Batay sa ulat ni Philippine Air Force (PAF) Chief Lt. Gen. Benjamin Defensor, nadiskubre ang mga kontrabando matapos na inspeksyunin ng mga elemento ng 300th Air Intelligence and Security Group, Customs Intelligence and Investigation Service at ng PAF Tactical Operations Command ang mga barkong nakadaong sa pantalan ng San Isidro, ng nasabing lalawigan.
Nabatid na sinimulang suriin ng mga awtoridad ang mga lulang kargamento ng mga barkong nakadaong at natiyempuhan nila ang mga smuggled Vietnam rice na nasa loob ng barkong MV Ilonah.
Walang maipakitang mga dokumento ang mga tripulante ng barko.
Napag-alaman na ang mga ipupuslit na bigas ay nakaconsign kina Vicente at Julio Paraque, may-ari ng Sanvic Enterprises at Triumph Ricemill na nakabase sa Samar.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang illegal na kargamento ay dadalhin sana sa Cebu subalit lumihis ang takbo ng barko patungong Samar upang iwasan ang pagtugis ng mga awtoridad. (Ulat ni Joy Cantos)