Mag-iina minasaker ng adik sa Batangas

CAMP MIGUEL MALVAR, Batangas - Dahil sa pagkalango sa droga ay napagtripang pagtatagain hanggang sa mapatay ang mag-iina ng isang adik habang natutulog ang mga biktima sa sariling bahay sa Brgy. Bagudpud, Tuy, Batangas kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Criselda Adobe, 44 at dalawa nitong anak na sina Erickson, 16 at Lea, 7-anyos.

Kasalukuyan namang tinutugis ang suspek na si Christopher Estipona, 24, kalapit na bahay ng mga biktima sa nabanggit na barangay.

Hindi naman ginalaw ng suspek ang apat na buwang sanggol na natutulog sa kabilang kuwarto.

Dalawa pang anak ni Criselda na sina Froilan, 12 at Ariel, 10 na pinag-adya ng tadhanang mabuhay dahil nakitulog sa kanilang malapit na kamag-anak sa naturang lugar kaya hindi nadamay sa kalawit ni kamatayan.

Sa ulat na isinumite kay P/Sr. Insp. Ana Juanita Asi, hepe ng pulisya sa bayan ng Tuy, kasalukuyang nasa palengke ng Divisoria ang asawang si Ernesto na naghatid ng mangga na inani nang mabalitaan ang malagim na sinapit ng kanyang mag-iina.

Base sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang malagim na krimen bandang ala-1 ng madaling-araw matapos na pasukin ng suspek na lango sa droga ang bahay ng pamilya Adobe.

"Wala pa kaming makalap na dahilan kung bakit niya pinatay ang mag-iina, sa tingin namin napagtripan lang niya," ani Asi. (Ulat ni Arnell Ozaeta)

Show comments