Bus hinoldap: 4 katao patay

PAGALUGAN, Maguindanao – Apat katao ang kumpirmadong napatay kabilang na ang isang pulis at security guard matapos na makipagbarilan sa mga holdaper sa loob ng pampasaherong bus sa kahabaan ng Cotabato-Davao Highway kahapon.

Dalawa sa limang holdaper na napatay ay nakilalang sina Makalam Manlangit at Toto Alamada ng Pikit, North Cotabato at pinaniniwalaang kasapi ng kilabot na Pentagon kidnapping syndicate na nakabase malapit sa Liguasan Marsh.

Samantala, si SPO2 Francisco Udani na nakapatay sa isa sa mga holdaper ay nabaril ng kasamahan ng dalawa habang dinisarmahan naman ni Rick Cadungog ang isang holdaper bago siya tinigok ng ibang kasamang holdaper.

Ayon sa ulat ng pulisya, sumakay ng Wenna bus patungong Cotabato ang limang holdaper sa Kabacan, North Cotabato saka nagdeklara ng holdap pagdating sa Tunggol-Dungguan sa kahabaan ng Cotabato-Davao Highway.

Tatlo sa nabuhay na holdaper ay lumundag mula sa bus patungong palayan at ilan sa mga nakasaksi sa pangyayari ay namataang sugatan ang isa sa tatlo dahil sa sigaw na humihingi ng tulong sa kanyang kasama habang papatakas. (Ulat ni John Unson)

Show comments