Bala para sa ama tumama sa 2 anak

ATIMONAN, QUEZON – Isang magkapatid na batang babae ang namatay matapos na pagbabarilin ng kanilang tiyuhin habang naglalaro sa loob ng bahay sa Barangay Caridad sa bayang ito kamakalawa ng hapon.

Ang mga biktima na nagtamo ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang sina Mary Grace, 13 at Claudine, 3. Kasalukuyan namang tinutugis ng mga awtoridad ang suspek na si Ireneo Jugueta, 28, obrero at ang dalawa pa nitong kasamahan na sina Roger San Miguel at Gilbert Estrope.

Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Quezon PNP Director P/Senior Supt. Roberto Rosales, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng hapon. Nagtungo ang suspek sa bahay ng mga biktima at hinanap ang ama ng magkapatid na si Norberto.

Namataan naman ang pakay at nilapitan sabay hinamon ng suntukan ng suspek subalit di ito pinatulan ni Norberto.

Sa tindi ng galit ay binunot ng suspek mula sa beywang ang isang baril saka pinagbabaril si Norberto ngunit di ito tinamaan, tiyempo namang naglalaro ang dalawang mag-utol kung kaya sila ang tinamaan ng mga ligaw na punglo.

Nang makita umano ng suspek na tinamaan niya ang dalawang pamangkin ay mabilis itong tumakas pati na ang kanyang dalawang kasama habang ang dalawang biktima ay mabilis na isinugod sa Doña Marta Hospital subalit sa daan pa lamang ay kapwa nalagutan na ng hininga.

Hinihinalang alitan sa pamilya ang motibo ng pamamaril ng suspek. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments