First Gentleman inamin na talo siya ng asawa sa akyatan

Inamin ni First Gentleman Mike Arroyo na talo siya ng kanyang asawang si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kung ang pag-uusapan ay lakaran at pag-akyat sa bundok.

Ito ang inihayag ng First Gentleman matapos maranasan ang hirap sa pag-akyat sa Mt.Pinatubo noong Miyerkules ng umaga kasama ang Pangulo, anak na si Dato, Tourism Secretary Richard Gordon at 50 miyembro ng Presidential Security Group.

Tatlong oras na pag-akyat at paglakad ang ginawa ng mag-asawa bago tuluyang marating ang tuktok ng Mt. Pinatubo.

Hindi umano biro ang ginawa nilang pag-akyat alang-alang sa promosyon ng turismo na isinusulong ng pamahalaan para makaagapay sa mauunlad na turismo ng mga kalapit na bansang miyembro ng ASEAN.

Nagbigay ng direktiba ang Pangulo sa mga lokal na opisyal ng Gitnang Luzon na tratuhin siyang isang ordinaryong turista kaya naman walang espesyal na pagkaing inihanda kundi mineral water na baon ng kanyang mga tauhan.

Isang plake ang iginawad ni Secretary Gordon sa Pangulo bilang pagkilala sa suportang ipinagkaloob nito sa larangan ng turismo ng bansa. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments