Isa sa napatay ng militar ay nakilalang si Max Binago ng Tuanadatu, Maitum at kasapi ng Abu Sofia Kidnap-for-Ransom Group (KFRG).
Samantala, sugatan naman sina Sgt. Ronnie Mendoza, PFC. Ronald Papa, Pfc. Wilfredo Mojeca, CAFGU Nataniel Penuela at sibilyang sina Adelaida Abellano at Tata Babor na tinamaan ng ligaw na bala.
Ayon sa ulat na isinumite kay Lt. Col. Fredesvindo Covarrubias, acting Spokesman ng Southern Command at hepe ng 4th Civil Relations Group (CRG), nakasagupa ng tropa ng militar ang dalawamput-limang armadong bandido sa pamumuno ni Chongko Abdulrakman, alyas Commander Tropical.
Habang binabagtas ng ambulansiya na nagdadala ng mga sugatang sundalo sa Maitum District Hospital ay tinamaan naman ng bala ng baril at namatay ang driver na si Mama Masukal sa crossfire.
Kaagad namang nagresponde ang mga elemento ng Special Force Detachment upang saklolohan ang mga sundalong nakasagupa ng mga bandido.
Dahil sa maagap na pagdating ng iba pang tropa ng militar ay nagsiatras ang mga bandido at narekober naman ang tatlong M16 rifles, limang combat packs naglalaman ng fatigue uniforms, personal belongings at ilang dokumento na iniuugnay ang grupo sa Abu Sofia.
Ayon kay Covarrubias na ang nabanggit na grupo ng bandido ay kasalukuyang bihag pa ang Koreanong trader na si Jae Kwoon Yoon na dinukot noong Marso kasama ang may-ari ng hotel na si Carlos Belonio ngunit pinalaya naman ito.
Humihingi naman ang grupo ng bandido ng halagang P4 milyon kapalit ng kalayaan ng Koreano.(Ulat ni Roel Pareño)