Trike driver hinoldap na, pinatay pa

DASMARIÑAS, Cavite – Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang trike driver makaraang holdapin ng tatlong hindi kilalang kalalakihan sa University Hills Subdivision sa Brgy. Sampalok 4 sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Ang bangkay ng biktima na itinapon at natagpuan ng ilang residente sa madamong lugar sa Orchard Subd. ay nakilalang si Raul Refuerzo, 17, binata ng Block 96 Lot 11, Phase 3, Brgy. Salawag sa bayang ito.

Nadiskubre rin ng mga tauhan ni P/Chief Insp. John Bulalacao na ang tricycle ng biktima ay tinangay ng mga holdaper partikular na ang maghapong kinita nito.

Base sa inisyal na ulat ni SPO1 Wency Tubay, huling nakitang buhay ang biktima ng ito ay magpaalam sa kasambahay na mamamasada ng kanyang trike dakong alas-11 ng gabi.

Pinalalagay na natiyempuhan ng mga holdaper ang biktima sa madilim na bahagi ng nabanggit na barangay saka isinagawa ang krimen. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments