3 bagets todas sa nag-overtake na bus

Tatlong kabataan ang nasawi matapos na sumalpok ang sinasakyan nilang tricycle sa isang pampasaherong bus sa kahabaan ng highway ng Calapan City, Oriental Mindoro kahapon ng umaga.

Kinilala ang mga nasawing sina Noel de Castro,15; Lester delos Reyes,12 at Altema Bermejo, 16 pawang residente ng Brgy. Sto. Niño ng nasabing lungsod.

Lumalabas sa imbestigasyon, dakong alas-10 ng umaga ay lulan ang mga biktima sa isang tricycle at binabagtas ang nasabing highway nang biglang nag-overtake ang Marlina bus na minamaneho ni Allan Istilo.

Hindi naman umano napansin ng tricycle ang pag-overtake ng bus na naging dahilan para sumalpok ito sa hulihan ng bus.

Sa lakas nang pagkasalpok ay tumilapon ang mga biktima sa kalsada.

Ang mga biktima ay namatay habang dinadala sa pagamutan at wala namang naiulat na may nasaktan sa pasahero ng bus. (Joy Cantos)

Show comments