3 NPA rebels nalambat sa bahay ng coddler

Nadakip ng magkasanib na elemento ng militar at pulisya ang tatlong pinaghihinalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa isang raid sa bahay ng umano’y coddler ng mga rebelde sa Pagadian City.

Kinilala ang mga naarestong rebelde na sina Eleno Pagasian alyas Ka Eking/Rogelio; Eliong Dagpin at ang amasonang si Daisy Montipon.

Isinailalim naman sa masusing imbestigasyon ang sinasabing coddler ng mga rebelde na kinilalang si Pastor Pagasian, isang negosyante.

Batay sa ulat,dakong alas-5 ng hapon nang salakayin ng pinagsanib na elemento ng pulisya at militar ang tahanan ni Pagasian na napapabalitang nagkakanlong ng mga rebeldeng komunista.

Ang pagsalakay ay isinagawa sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Edilberto Absin ng Pagadian RTC Branch 1.

Isang impormasyon ang natanggap ng mga awtoridad hinggil sa madalas na presensiya ng mga rebelde sa tahanan ni Pagasian na matatagpuan sa Purok Roxas, Sto. Niño District.

Matapos na maberipikang positibo ang impormasyon ay agad na nagsagawa ng operasyon na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek. (Joy Cantos)

Show comments