Dayuhan binaril sa harap ng bahay ,todas

DASMARIÑAS, Cavite – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang Norwegian national ng dalawang hindi kilalang lalaki sakay ng motorsiklo habang ang biktima ay nakatayo sa harap ng kanyang bahay sa Brgy. Salawag sa bayang ito kahapon ng umaga.

Ang biktima na binistay ng bala ng baril ay nakilalang si Roger Eric Hartman, 56, may asawa ng Marino South 1 Subdivision sa nabanggit na bayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO2 Jo Patambang na isinumite kay P/Chief Insp. John Bulalacao, hepe ng pulisya sa bayang ito, naganap ang pananambang dakong alas-7 ng umaga habang nagpapahangin at nakatayo ang biktima sa harap ng kanyang bakuran.

Blangko pa ang pulisya sa naganap na krimen dahil, ayon pa sa ulat ng pulisya, walang maglakas-loob na lumantad na saksi dahil sa pangambang sila ang isunod ng mga killer. (Cristina Go-Timbang)

Show comments