Ina kinatay ng sariling anak

LUCENA CITY – Hindi na nagawang ipagdiwang ng isang 78 anyos na ginang ang Mother’s Day matapos na tadtarin ng saksak ng sariling anak na pinaniniwalaang na-praning sa droga habang ang biktima ay nakaupo sa wheelchair sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Silangang Mayao sa lungsod na ito kamakalawa ng hapon.

Ang biktima na binawian ng buhay habang dinadala sa MMG Hospital ay nakilalang si Virginia Pitero, samantala, ang dalawang kapatid ng suspek ay malubhang nasugatan dahil sa tinamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa ginawang pag-awat.

Kaagad naman nadakip ng mga elemento ng PNP Task Force Calabarzon sa Brgy. Talipan, Pagbilao, Quezon ang suspek na si Fernando Pitero, 39, binata, jobless.

Naganap ang krimen dakong alas-11 ng umaga ng umuwi umanong sabog sa droga ang suspek at nakita ang ina na nakaupong mag-isa sa wheelchair.

Walang sabi-sabing sinaksak ng suspek ang ina na walang kamalay-malay.

Nakita ito ng kanyang dalawang kapatid at inawat nila ang suspek subalit sa halip na magpaawat ay sila rin ang binalingan ng saksak at pagkatapos ay mabilis na tumakas.

Napag-alaman na ang suspek ay na-praning dahil sa pagiging sugap nito sa shabu at sa hallucination nito ay inakala na kalaban nito ang ina. (Tony Sandoval)

Show comments