12-anyos nakuryente sa basurahan

BACOOR, Cavite Isang 12-anyos na mag-aaral ang iniulat na nasawi makaraang makuryente habang namumulot ng basura sa creek ng JS Subdivision sa Barangay Habay sa bayang ito kamakalawa ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Raymond Eusebio ng Maliksi St., Baco-or, Cavite.

Sa inisyal na ulat ni SPO1 Dante Ordonio, bandang ala-1:30 ng hapon ng maganap ang pangyayari matapos na hawakan ng biktima ang napulot na bakal sa basurahan ngunit biglang nangisay na lamang hanggang sa mamatay dahil sa lakas ng boltahe.

May teorya ang pulisya na sinadyang ilagay ng ilang residente ang bakal upang makakuha ng dagdag na boltahe ng kuryente sa poste ng Meralco.

Nakatakda namang kasuhan ng mga magulang ng biktima ang ilang residente na may pakana ng inilagay na bakal na nag-uugnay sa poste ng kuryente. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments