Pusher nakipagbarilan sa checkpoint, todas sa pulis

Isang 43 anyos na lalaki na umano ay pusher ang namatay matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa isang checkpoint sa gate ng Bahayang Pag-asa, Molino 5, Bacoor, Cavite, kamakalawa ng gabi.

Ang nasawi ay nakilalang si Demetrio Arevalo, may asawa, ng Brgy., Molino 3 ng nasabing bayan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-10:45 ng gabi sakay ng kanyang mountain bike si Arevalo nang pahintuin sa checkpoint sa pangunguna ni SPO1 Celso Moral hepe ng sub-station Bahayang Pag-asa at mga kasama nito.

Subalit sa halip na huminto ay agad umanong bumunot ng baril ang suspek at sunud-sunod na pinaputukan ang mga pulis subalit hindi tinamaan.

Gumanti ang mga pulis at pinaputukan nila ang suspek na tinamaan sa ulo at katawan na siyang ikinamatay nito.

Nakuha sa katawan ng suspek ang 25 pirasong shabu na nakalagay sa transparent plastic na nakalagay sa pitaka at .38 caliber revolver na ginamit nito sa pamamaril. (Lanie M. Sapitanan)

Show comments