Sa ginawang pahayag ni P/Sr. Supt. Glen Cinco, deputy commanding officer ng PNP-SAF 2nd Battalion, hinigpitan nila ang seguridad sa paligid ng Subic Bay Metropolitan Authority partikular na ang kampo ng PNP-SAF sa naturang lugar dahil sa isinasagawang pagsasanay ng apat na Israeli Commandos sa mga tauhan ng pulisya na may temang "counter terrorism".
Nauna rito ay palihim na dumating sa bansa ang apat na Israeli Commandos noong Linggo saka nagtuloy sa kampo ng PNP-SAF at magtatapos ang pagsasanay sa Mayo 30, 2002.
Hindi naman pinayagan ni Cinco ang mga mamamahayag na magkober ng naturang pagsasanay at sa halip ay pinagsabihang kumuha muna ng permiso sa Camp Crame upang makapasok sa nabanggit na kampo. (Ulat ni Jeff Tombado)