Ang biktimang si Dominador Gader, 49 ay binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa San Narciso Municipal Hospital dahil sa pagkaubos ng dugo sa tinamong maraming tama ng itak sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Samantala, ang suspek na si Renato Gader, 18, alyas Dodong, binata ay mabilis na tumakas matapos isagawa ang krimen dakong alas-12 ng tanghali.
Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO3 Renato Menduenela, naganap ang karumal-dumal na krimen habang kumakain ang biktima sa kanilang bahay nang sugurin ng itak ng suspek sa hindi nabatid na dahilan.
Nakuha pang lumaban ng biktima kahit na may mga tama sa katawan hanggang sa tuluyang bumulagta bago iwanan ng anak na suspek.
May palagay ang pulisya na na-praning ang suspek dahil sa napapaulat na malimit makitang gumagamit ng droga sa kanilang bahay kapag nag-iisa. (Ulat ni Tony Sandoval)