Utol ng ASG kumander patay sa encounter

Kumpirmadong ang kapatid ni Abu Sayyaf Commander Mujib Susukan na sangkot sa Sipadan hostage crisis noong taong 2000 ang isa sa dalawang nasawing bandidong Abu Sayyaf matapos ang mainitang pakikipagsagupa sa mga operatiba ng militar sa Indanan, Sulu noong Miyerkules na nagresulta rin sa pagkamatay ng dalawang sibilyan habang 12 pa ang nasugatan.

Sa panayam, sinabi ni Capt. Noel Detoyato, Spokesman for Operations ng AFP-Southcom na sa isinagawa nilang beripikasyon ay lumitaw na si Abdungajib Susukan, kapatid ni Commander Susukan ang isa sa dalawang nasawing bandido.

Sina Commander Susukan kasama sina Sulu based ASG leader Ghalib Andang alyas Commander Robot ang itinuturong mastermind sa Sipadan hostage crisis matapos na dukutin ang 21 dayuhan kabilang ang 18 Europeans sa Sipadan Beach Resort sa Sabah, Malaysia noong Abril 23, 2000.

Dalawa sa mga nasawi ay sibilyan na sina Kinnie Sabdani at Ottoh Salih. Sampung sibilyan rin ang nasugatan at dalawang sundalo na sina Pfc. Ernesto Berano at Cpl. Marlon Butig; pawang miyembro ng Army’s Scout Ranger Company.

Ayon kay Detoyato noong una’y hindi nila akalain na kapatid ni Commander Susukan ang nasawi at kahapon lamang ito na kumpirma ng kilalanin ng ilang kamag-anak. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments