Lola patay sa hostage drama; hostage-taker todas din

CAMP VICENTE LIM, Laguna – Napatay sa saksak ang isa sa tatlong hostage-victim ng kanilang hostage-taker na napatay din ng mga awtoridad matapos tangkaing sunugin ng suspek ang buong apartment sa Brgy. Tayuman, Binangonan, Rizal, kamakalawa.

Hindi na umabot ng buhay sa Binangonan Hospital ang hostage-victim na si Nida Fuentez, sanhi ng mga tinamong saksak sa katawan.

Nakaligtas naman sa nasabing hostage drama ang dalawang apo nito na sina Maricon, 11 at Bamba, 1.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Flor Villamor, alyas Lakay na nagtamo ng tama ng bala sa mukha at namatay habang dinadala sa nasabing pagamutan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-5:15 ng hapon, nang magwala ang suspek sa nasabing lugar at sinunog nito ang kanyang inuupahang apartment na malapit sa bahay ng mga biktima.

Matapos nito ay kanyang nilusob dala ang isang patalim ang bahay ng mga biktima at ginawang hostage.

Ilang oras nagkaroon ng negosasyon sa panig ng suspek at ilang matataas na opisyal ng pulisya at barangay, imbes na sumuko ay pinagsasaksak ang matanda.

Dito na sumalakay ang mga awtoridad at kanilang pinagbabaril ang suspek nang tangkain nitong sunugin at patayin ang dalawang bata sa loob ng apartment. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments