Mag-asawa tinodas sa brgy.hall

DASMARIÑAS, Cavite – Binaril sa mukha at ulo ang isang mag-asawa sa loob ng brgy. hall habang ginaganap ang pakikipagbati sa pagitan ng mga biktima at ka-live-in ng suspek kamakalawa ng gabi sa Brgy. Emmanuel 1 ng bayang ito.

Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang mag-asawang Romeo at Victoria Pardenas na residente ng Blk. 2 excess lot ng nasabing lugar.

Samantala, ang suspek na nakatakas ay nakilalang si Jose Pascua, alyas Joe Pascua, 25, ng Blk. 33 excess lot ng nasabi ding lugar.

Sa ulat ni PO3 Jo Patambang, ganap na alas-9:15 ng gabi ay kasalukuyan umanong nasa loob ng brgy. hall ang mag-asawa para ayusin ang hindi nila pagkakasunduan ng nakaaway nilang live-in ng suspek na si Yolanda de Guzman.

Nabatid na kasalukuyang pinagbabati ng mga brgy. opisyal ang mga biktima at si de Guzman nang biglang dumating ang lasing na suspek at agad na pinagbabaril ang mag-asawa.

Walang nagawa ang mga brgy. opisyal nang tutukan sila ng baril at pagkatapos ay mabilis itong tumakas. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments