8 bayan, walang kuryente dahil sa NPA

IROSIN, Sorsogon – Walo sa labinlimang bayan sa Sorsogon ang iniulat na nawalan ng linya ng kuryente dahil sa hindi pagbabayad ng halagang aabot sa P5.8 milyong utang ng Sorsogon Electric Cooperative (SORECO I) sa National Power Corporation (NAPOCOR).

Sinabi ni Engr. Vicente Sia, SORECO I general manager na nadamay tuloy ang mga bayan ng Juban, Casiguran, Magallanes, Irosin, Bulusan, Sta. Magdalena, Matnog at Bulan dahil sa malaking pagkakautang sa NAPOCOR.

Isinisi ni Sia sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang kanilang pagkakautang dahil sa bawa’t kolektor nila ay tinatakot ng mga rebelde na kapag hindi nakapagbigay ng revolutionary tax ay nagbabanta na may masamang mangyayari.

Napag-alaman pa na kinukumpiska ng mga rebelde ang ginagamit na sasakyan ng mga kolektor ng kooperatiba kapag hindi makapagbigay ng revolutionary tax.

Nanawagan na lamang si Sia sa mga cumsumers na magsadya na lamang sa mga sangay ng kooperatiba upang doon magbayad para makalikom ng halagang pambayad sa NAPOCOR. (Ulat ni Bobby Q. Labalan)

Show comments