Pulis nag-Russian roulette habang tumotoma, dedbol

CABANATUAN CITY – Isang kagawad ng pulisya na nakatalaga sa Cabanatuan City PNP station ang napaulat na maagang kinalawit ni kamatayan matapos mag-Russian roulette habang nakikipag-inuman ng alak sa tatlo nitong kaibigan sa Valino St., Aduas Centro sa lungsod na ito kamakalawa ng gabi.

Lumagos ang bala ng 9mm pistola sa kaliwang kilay mula sa sintido ng biktimang si PO3 Romeo Capati y Danting, 33 at residente ng #1114 Rizal St. ng nabanggit na lugar.

Samantala, nabigla ang mga kaibigan nitong sina PO2 Rodel Mateo, PO3 Vernon Venturina at Mylene Santican, 26 at isang alyas Ronnie sa naganap na pangyayari.

Base sa ulat na isinumite kay P/Supt. Laverne Manangbao, hepe ng Cabanatuan City PNP station, lango na umano ang biktima at payabang na nagsalita ng "ako si kumander" habang nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan sa bahay ni Santican.

May palagay ang pulisya na dahil sa pagkalango sa alak ay napagtripan ng biktima na maglaro ng Russian roulette ng hawak na baril na naganap bandang alas-6:30 ng gabi. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments