Sa ulat na isinumite kay P/Chief Supt. Domingo Reyes, PNP Region 4 director, sina Expedito Albarillo, 40 at asawang si Emmanuela ay may palatandaang pinahirapan muna saka pinatay at itinapon sa 50 metro ang layo mula sa likod ng kanilang bahay.
Napag-alaman sa ulat ng pulisya na bandang alas-6 ng umaga ay nakarinig na lamang ang mga kapitbahay ng mag-asawa na walang tigil sa pagtahol ang mga aso sa likurang bahagi ng bahay sa hindi nabatid na dahilan.
Nang puntahan ng ilang kapitbahay ay bumulaga na lamang sa kanila ang bangkay ng mag-asawa na nakatali pa ang mga paa at kamay at hindi nabatid na tama ng bala ng baril sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa ulat, si Expedito ay napaulat na isa sa mga responsable sa pagpatay kay Mindoro Mayor Oscar Aldaba ng Mindoro Oriental.
Si Aldaba na pinaniniwalaang masugit na taga-suporta ng makakaliwang kilusan ay pinagbabaril hanggang sa mapatay ng tatlong hindi kilalang kalalakihan sa harap ng simbahan ng Immaculate Concepcion sa San Teodoro, Oriental Mindoro may dalawang taon na ang nakalilipas.
May teorya ang pulisya na nilikida si Expedito at idinamay pa ang asawa bilang paghihiganti sa ginawang krimen. (Ulat ni Arnell Ozaeta)