Nakilala ang mga biktimang sina Dante Villanueva, 50, may asawa at Arnold Cruz, 23, binata at kapwa residente ng Brgy. Bulihan sa bayang ito.
Aabot sa 13,000 boltahe ng kuryente ang pinaniniwalaang pumasok sa katawan ng mga biktima kaya isinugod pa rin sa Bulacan Provincial Hospital ngunit idineklarang patay.
Ang dalawa ay nagsisilbing radio control operator ng kanilang grupo na tumutulong sa mga motoristang dumarayo na naliligaw ng daan partikular na ang pagsasaayos ng trapiko.
Nabatid sa inisyal na ulat ni P/Supt. Romeo Ver, hepe ng Bulacan PNP-TMG, naganap ang aksidente bandang alas-7 ng umaga habang hawak at inaalalayan ng mga biktima ang mahabang tubo na pagkakabitan ng linya ng kanilang radio antenna.
Ayon pa sa ulat ng pulisya, sa hindi inaasahang pagkakataon ay nadikit ang dulong bahagi ng tubong bakal na hawak ng mga biktima sa talop na linya ng malakas na boltahe ng kuryente ng Meralco na naging sanhi upang mangisay ang dalawa. (Ulat ni Efren Alcantara)