Sa ulat na ipinarating kahapon sa Armys 6th Infantry Division (ID) sa AFP headquarters, ang mga suspek ay nadakip dakong alas-6:30 ng umaga sa isang liblib na lugar sa Brgy. Matingin sa bayan ng Sultan Kudarat.
Kinilala ang mga nadakip na sina Musanip Radsac, Sudin Haron, Pandi Talib at Ebrahim Baliwan.
Napag-alaman na kasalukuyang sinusuyod ng mga elemento ng 3rd Infantry Battalion (IB) ng Phil. Army sa pamumuno ni 2nd Lt. Batara ang nasabing lugar nang masabat ang may 20 armadong miyembro ng Pentagon.
Ang mga suspek ay nasukol matapos maiwan ng mga nagsitakas nitong kasamahan na tumahak sa hilagang direksiyon ng magubat na bahagi ng nasabing lugar.
Nasamsam sa pag-iingat ng mga suspek ang ilang mga armas na kinabibilangan ng M79 grenade launchers, M14 rifle, dalawang garand rifle at apat na bala para sa rocket propel grenade.
Ang Pentagon KFR group na pinamumunuan ni Commander Tahir Alonto ang itinuturong sangkot sa serye ng kidnapping sa Central Mindanao.(Ulat ni Joy Cantos)