Sulyap Balita

Onsehan sa droga, mister tinigok
BACOOR, Cavite – Pinalalagay na onsehan sa droga ang naging kamatayan ng isang 56-anyos na lalaki makaraang pasukin ang bahay ng biktima ng walong hindi kilalang kalalakihan saka pinagtulugang saksakin kahapon sa Barangay Molino 2 sa bayang ito.

Animo’y kinatay na baboy ang katawan ng biktimang si Oscar Balasbas, may asawa ng Holy Infant Subd. ng naturang lugar, samantala, ang mga suspek na pinaniniwalaang miyembro ng sindikato na pagpapakalat ng droga ay sabay-sabay nagsitakas matapos na masiguro na patay na ang kanilang target.

Ayon sa pulisya, naganap ang krimen bandang alas-12 ng hatinggabi habang ang biktima ay natutulog sa kanyang bahay nang pasukin ng mga killer. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)
9 Koreano tiklo sa nude photo session sa park
CEBU – Siyam na Koreano kabilang ang dalawang babae ang napaulat na dinakip ng pulisya makaraang maaktuhang nagsasagawa ng nude photo session sa Fort San Pedro Public Park noong gabi ng Huwebes, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Ayon kay P/Chief Insp. Glen Ares, hepe ng pulisya sa bayang ito, ang mga dinakip na turistang Koreano ay walang permiso na magsagawa ang nude photo session sa nabanggit na public park ngunit sinabi naman ng mga dayuhan na nakasuot naman ng flesh-colored tights ang dalawang babae na napagkamalang walang saplot sa katawan ng isang sekyu na siyang nagreklamo sa himpilan ng pulisya. (Ulat ng AFP)
3 niratrat sa graduation party
BATO, Camarines Sur – Tatlo katao ang kasalukuyang nakikipagbuno kay kamatayan makaraang ratratin ng baril ng mga hindi kilalang kalalakihan habang ang mga biktima ay nanonood ng graduation party sa Barangay Pagatpatan sa bayang ito kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ng pulisya ang mga biktimang nasa Bicol Medical Center na sina Jerry Tagle, 20; Salvador Boragay, 53 at Henry Batenga, 19, na pawang mga residente ng nabanggit na barangay.

Napag-alaman na kasalukuyang pinanonood ng mga biktima ang kanilang inihatid na kamag-anakan sa graduation party nang sumulpot ang mga killer at walang pasabing nagpaputok ng dalang baril. (Ulat ni Ed Casulla)
Lider ng ‘Shotgun Gang’ timbog
KAMPO HEN. ALEJO SANTOS, Bulacan – Pinaniniwalaang nabuwag na ng mga tauhan ng Bulacan PNP ang kilabot na grupo ng "Shotgun Gang" na nanghoholdap sa mga pampasaherong bus sa kahabaan ng North Expressway makaraang madakip ang pinakalider nito sa Daang Bakal, Barangay Bulihan, Malolos, Bulacan kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Bulacan PNP provincial Director P/Sr. Supt. Edgardo Acuña, ang suspek na si Benedicto Parohinog, 27, may asawa, jobless ng nabanggti na barangay.

Ayon sa pulisya, si Parohinog ay nadakip dakong alas-3 ng hapon habang nakikipag-inuman ng alak sa ilang kaibigan at pinalalagay na ang suspek ay responsable sa panggagahasa sa isang pasaherong babae na kanilang hinoldap dahil sa positibong itinuro ito ng biktima. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments