Ang mga nasawing biktima ay ang mag-utol na Julius S. Baniaga, 18 at Mark Baniaga, 21; magpinsang sina Joseph Sandaga, 22 at Angel Sandaga, 16, na pawang residente ng Brgy. Silauan Sur; Grace Concepcion, 21, ng Aurora, Isabela at Maricel Plasos, 22, ng San Mateo, Isabela at pawang mga estudyante sa Isabela State University.
Nakaligtas naman sa pagkalunod ang isang nagngangalang Marivic na nakuhang humingi ng saklolo sa mga residente ngunit hindi nailigtas ang mga biktima sa nabanggit na ilog.
Si Mark Baniaga at Grace Concepcion ay magtatapos ng kanilang kurso sa nabanggit na unibersidad nitong buwan ng Marso.
Batay sa ulat ni P/Chief Insp. Fernando Cristobal, hepe ng pulisya sa bayang ito, nagkayayaan ang pitong estudyante na mag-picnic sa nabanggit na lugar matapos na lumahok sa parada ng kapistahan ng Patrong St. Joseph dakong alas tres ng hapon at ilang minuto pa ang nakaraan ay magkasabay na lumangoy sina Grace at Maricel.
Ayon sa salaysay ng nag-iisang survivor, narinig nila ang dalawa na humihingi ng saklolo mula sa nabanggit na ilog dahil sa nakaambang malunod kaya magkakasabay na naglundagan naman ang apat na lalaki.
Subalit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay biglang naglahong parang bula ang anim na biktima at bandang alas-6 ng gabi lamang nadiskubre ang mga bangkay sa tulong na rin ng mga mangingisda sa naturang lugar. (Ulat ni Joe Dasig)