2 naka-motorsiklo sumalpok sa truck, patay

BINANGONAN, Rizal – Dalawang kalalakihan ang napaulat na namatay makaraang sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa nakaparadang container truck van sa harap ng Lake Villa Resort sa Brgy. Tayuman sa bayang ito kahapon ng madaling-araw.

Idineklarang patay sa Angono District Hospital sina Reynold Brent Corpuz ng Quezon City at alyas Pidong ng Brgy. Tayuman ng nabanggit na bayan.

Sa pagsisiyasat ni SPO4 Dante Gonzaga, naganap ang aksidente bandang alas-3:30 ng madaling-araw matapos mawalan ng kontrol ang sinasakyang motorsiklo ng mga biktima na nagresulta upang sumalpok sa nakaparadang truck sa gilid ng kalsada sa naturang lugar. (Ulat ni Danilo Garcia)
Ex-police itinumba ng NPA
TAYABAS, Quezon – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang dating kagawad ng pulisya ng nag-iisang rebeldeng kasapi ng New People’s Army (NPA) habang jumi-jingle sa Brgy. Ibaba Wakas sa bayang ito kamakalawa ng umaga.

Nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa ulo ang biktimang si ex-SPO4 Romulo Jalla, 51, may asawa ng Happy Village, Brgy. Wakas. Samantala, ang suspek na hindi nakilala ay tumakas sa direksyon ng Pandakaki, Lakawan at Mateuna.

Naganap ang pananambang dakong alas-9:45 ng umaga may ilang metro lamang ang layo mula sa tindahan ng mag-asawang Rodrigo at Fe Obnamia, ayon sa isinumiteng ulat kay P/Sr. Supt. Roberto Rosales, Quezon PNP provincial director. (Ulat ni Tony Sandoval)
Anti-polio drive pinangasiwaan ni GMA
TUGUEGARAO CITY – Personal na pinangasiwaan nina Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Department of Health (DoH) Secretary Manuel Dayrit ang programang "Balik-Patak Kontra Polio" sa 100 bata sa Brgy. Tanza ng lungsod na ito.

Ipinangako rin ng Pangulo na hihikayatin niya ang mga manufacturer ng gamot na ibaba ang presyo upang makabili ang mga mahihirap na mamamayan sa nabanggit na lungsod at karatig pook.

Ayon pa kay Dayrit, ang nabanggit na programa ng gobyerno ay nakatulong sa 11.7 milyon bata sa bansa. (Ulat ni Lilia Tolentino)
18-anyos ni-rape/slay ng magsasaka
MALINAO, Albay – Isang 18-anyos na graduating high school student ang kumpirmadong ginahasa bago pinatay sa sakal at umpog sa semento ng kapitbahay na lalaki na pinaniniwalaang lango sa alak sa Brgy. Sta. Elena ng bayang ito kamakalawa ng gabi.

Idineklarang patay sa Ziga Memorial District Hospital si Maria Loliline Lorico ng nabanggit na barangay. Samantala, ang suspek na ngayon ay nakakulong ay nakilalang si Ernesto Larzabal, Jr., 30, hiwalay sa asawa at kapitbahay ng biktima.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, naganap ang krimen dakong alas-10 ng gabi matapos makipanood ng telebisyon ang biktima sa bahay ng suspek. (Ulat ni Ed Casulla)
Pinsan ni Gen. Gualberto dedo sa ambus
BATANGAS CITY – Tinambangan at napatay ang pinsang lalaki ni CIDG Chief Gen. Nestorio Gualberto ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan habang nagmamaneho ng owner-type jeep at bumabagtas sa kahabaan ng Sitio Puti, Brgy. Tabangao sa bayang ito kamakalawa ng hapon.

Si Dante Gualberto Fajardo, 63, ex-brgy. chairman ng Brgy. Sinlong ay binistay ng bala ng baril habang nagmamaneho ng kanyang dyip (DSG-107) kasama ang asawang si Gliceria, 65, kapatid na si Lourdes at apong si Berna, 12-anyos.

Himalang nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang mga kasama ng biktima sa naganap na pananambang dakong ala-1:30 ng hapon na pinalalagay na may kaugnayan sa hawak na ebidensiya ni Fajardo sa kasong anomalya ng dating barangay opisyal. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments