Si Sunny Teng ay nadakip matapos ang isinagawang masusing surveillance operations ng mga elemento ng 1st Scout Ranger Company at 18th Infantry Battalion (IB) sa Brgy. Matibay, Lamitan, Basilan.
Sa isinagawang tactical interrogation, inamin niTeng na siyay isang close-in security ni ASG Spokesman Aldam Tilao alyas Abu Sabaya.
Inamin din ni Teng na kasama siya ng grupo ni Sabaya sa pagsalakay sa St. Peters Parish Church at Dr. Jose Torres Memorial Hospital sa Lamitan, Basilan noong nakalipas na Hunyo 2.
Base sa report, si Teng ay isa umano sa mga pinagkakatiwalaang aide ni Sabaya na nasangkot sa pamumugot ng ulo ng mahihirap na hostages na walang maibayad na ransom sa grupo ng mga bandido.
Ayon naman kay Capt. Noel Detoyato ng AFP-Southcom, may mga testigo na silang hawak laban kay Teng na magdidiing sangkot sa mga kasong kriminal tulad ng kidnapping-for-ransom atbp.
Kasunod nito, anim na tauhan ni Sulu based Abu Sayyaf Commander Ghalib Andang alyas Commander Robot ang nalagas sa mainitang pakikipag-engkuwentro sa mga operatiba ng militar kamakalawa sa isang liblib na lugar sa Maimbung, Sulu.
Sa isang phone interview, sinabi ni Col. Romeo Tolentino, Commander ng Armys 104rth Brigade na walang narekober na bangkay sa pinangyarihan ng sagupaan matapos na mabitbit ito ng kanilang mga kasamahang bandido.
Ayon kay Tolentino, bandang alas-2 ng hapon nang makasagupa ng Special Forces ng Phil. Army sa pamumuno ni Lt. Dioda ang tinatayang mahigit sa dalawampung tauhan ni Commander Robot sa Sitio Kalulong, Brgy. Ipil, Maimbung, Sulu.
Gayunman, nakasalalay na sa desisyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kung pagkakalooban ng amnestiya ang ilang mga hardcorce na lider ng mga bandidong Abu Sayyaf (ASG) kapalit ng kanilang planong pagsuko sa pamahalaan. (Ulat ni Joy Cantos)