Mikey para Congressman sa 2004

CITY OF SAN FERNANDO – Nagpahayag ng desisyon ang anak ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na ngayon ay Pampanga Vice Governor Juan Miguel "Mikey" Arroyo na kakandidato siya bilang congressman ng second district sa darating na 2004 elections.

Si Mikey na kasalukuyang pinaghahandaan ang nalalapit na kasal sa kanyang second cousin na si Angela Montenegro sa June 24 sa Lubao, Pampanga Cathedral ay nauna nang pinayuhan ng kanyang amang si First Gentleman Miguel Arroyo tungkol sa planong pagkandidato bilang congressman.

Ang nasasakupan ng 2nd district ay ang bayan ng Guagua,Sta. Rita, Floridablanca, Porac,Sasmuan at Lubao.

Kasunod nito, nagpahayag din si Board member Mark Lapid, eldest son ni Pampanga Gov.Lito Lapid na siya ay kakandidato bilang gobernador habang ang kanyang ama ay tatakbo naman bilang mayor ng Angeles City.

May kumakalat na balita na sina Vice-Governor Arroyo at Gov. Lapid ay nagsisimula nang magsagawa ng campaign strategies dahil sa pagkandidato ni GMA sa pagka-Pangulo sa 2004 elections. (Ulat ni Ric Sapnu)

Show comments