Ilang opisyal ng barangay na tumangging ipabanggit ang kanilang pangalan sa takot na resbakan ng sindikato ng droga ang nagbigay ng detalye kay P/Chief Insp. Ric Revita, bagong talagang commander ng 107th Mobile Force Group na itong nakalipas na buwan ay patuloy pa rin na gumagala at lantarang nakapagbebenta ng shabu candy ang mga drug pusher na animoy may mga lisensya.
Isang barangay captain ang nagsabi kay Revita na ang kanyang buhay ay nalalagay sa panganib dahil sa kanyang prinsipyong pakikibaka sa modus operandi ng sindikato sa kanilang lugar na pinaniniwalaang may mga politiko ang nasa likod nang bentahan ng shabu.
"Maski pulis eh walang magawa maski nakikita nilang lantaran ang pagbebenta ng shabu na parang kendi dahil mukhang takot din sila, kundi man nakapatong ang ilan dito sa mga drug pusher," ani pa ng barangay captain.
Siniguro naman ni Revita sa mga opisyal ng barangay na gagawin niya ang lahat upang masugpo ang lantarang bentahan ng shabu, "Magtago na sila kung ayaw nilang mayari sa akin," dagdag pa ni Revita. (Ulat ni Myds Supnad)