Ang kautusan ay ipinarating kay DILG Sec. Joey Lina na sina Mayor Mitra, kasama ang dalawang sina Javier Morilla at Ruel Dequilla na tumatayong driver at security aide ay pinasisibak sa serbisyo sa lokal na pamahalaan ng Panukulan, Quezon.
Sa desisyon ni Ombudsman Aniano Desierto na inaprobahan noong Enero 25, 2002, si Mitra ang kauna-unahang local chief executive na nasibak sa puwesto dahil sa drug trafficking na hindi dapat tularan at babala sa lahat ng opisyal ng gobyerno.
Sinabi pa ni Lina na si Mitra at dalawang kasamahan ay walang anumang matatanggap na benepisyo mula sa gobyerno, cancellation of eligibility at perpetual disqualification from re-employment sa gobyerno.
Kaagad naman inatasan ni Lina sina Director Leonilo Lariosa ng DILG-Southern Tagalog region at Quezon Gov. Wilfredo Enverga na ipatupad ang desisyon ng Ombudsman.
Ipinahayag ni Lina na si Vice-Mayor Herminio Penamente ang itinalagang bagong chief executive ng nabanggit na bayan kapalit ni Mayor Mitra na ngayon ay nahaharap sa kasong illegal drug trafficking na nakabinbin sa sala ni RTC Branch 65 Judge Cesar Orias sa Infanta, Quezon.
Kasalukuyan namang nasa Korte Suprema ang petisyon ng DoJ na ilipat ang paglilitis sa Quezon City mula sa Infanta, Quezon.
Magugunitang si Mayor Mitra, kasama ang dalawa at isang Chinese national ang nasabat ng mga elemento ng PNP Narcotics Group at NBI sa Brgy. Kiloloran, Real, Quezon noong Octobre 13, 2001 na may dalang 503.68 kilong shabu habang nakasakay sa isang Starex van. (Ulat nina Christina Mendez at Grace Amargo)