Mag-utol kinatay ng kapitbahay na adik

SAN FABIAN, Pangasinan – Isang magkapatid na batang lalaki ang kumpirmadong pinagtataga hanggang sa mapatay ng kapitbahay na adik sa droga, samantala, isa pa nilang kapatid ang malubhang nasugatan makaraang maaktuhan na ninanakaw ang kanilang alagang kambing sa Brgy. Lipit Tomeeng noong Biyernes ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawing mag-utol na sina Bonivard Dizo, 14 at Bryan, 3, samantala, si Cristobal Dizo, 13 ay kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan sa Region I Medical Center sa Dagupan City.

Kaagad naman nadakip ng pulisya ang suspek na si Rommel Narit Sotto, 17, ng nabanggit na barangay.

Sa inisyal na imbestigasyong isinumite kay P/Chief Insp. Paquito Navarette, hepe ng pulisya sa bayang ito, naganap ang krimen bandang alas-9 ng gabi makaraang maaktuhan ng magkakapatid ang suspek na kinakalagan ang alaga nilang kambing sa bakuran.

Ayon sa pulisya, dahil sa malakas na iyak ng kambing ay nagising ang magkakapatid kaya dumungaw ang mga ito sa bintana ng kanilang bahay at namataan ang suspek na kinakalagan ang nakataling hayop.

Kaagad naman sinugod ng suspek na lango sa droga ang magkakapatid sa loob ng bahay saka pinagtataga ng hawak na jungle bolo.

Inamin naman ng suspek ang krimen dahil napag-utusan lamang siya ng mga kainuman na nakawin ang kambing at napagtripan niyang katayin ang magkakapatid. (Ulat ni Erickson Lovino)

Show comments