Bangka lumubog: 1 patay, 2 sugatan

LUCENA CITY – Isang mangingisda ang iniulat na namatay, samantala, nasugatan naman ang kanyang mag-ina makaraang hampasin ng malaking alon saka lumubog ang bangkang sinasakyan ng mga biktima sa karagatang sakop ng Brgy. Barra sa lungsod na ito kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang nasawing si Rosendo Sintales, 43, samantala, ang sugatang mag-inang sina Lea at Merlita ay ginagamot sa Quezon Memorial Hospital dahil sa mga tinamong sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Sa ulat ni P/Supt. Danny Ramon Siongco, hepe ng pulisya sa Lucena City, naganap ang pangyayari bandang alas-6 ng gabi habang naglalayag papauwi ang mga biktima nang abutan ng masamang panahon sa karagatan.(Ulat ni Tony Sandoval)
Asset ng militar tinigok ng NPA rebs
USON, Masbate – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 37-anyos na lalaki ng tatlong hindi kilalang armadong kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) habang nanonood ng sayawan sa Brgy. Del Carmen sa bayang ito kamakalawa.

Ang biktima na nagtamo ng apat na tama ng bala ng baril sa ulo at katawan ay nakilalang si Remy Noynay, may asawa, jobless ng Brgy. Mactan Cawayan, Masbate.

Si Noynay ay pinagbantaan na ng mga rebelde sa pagbibigay ng impormasyon sa militar at pulisya sa ikinikilos ng makakaliwang grupo subalit nagpatuloy pa rin ito kaya pinatahimik bandang alas-7 ng gabi habang nanonood ng sayawan sa plaza, ayon sa ulat ng pulisya.(Ulat ni Ed Casulla)
Manugang pinatay ng biyenan
SAN ANTONIO, Nueva Ecija – Dahil sa matinding alitan ay nagawang ratratin at mapatay ang isang magsasaka ng kanyang biyenang lalaki sa Brgy. Papaya ng bayang ito kamakalawa.

Idineklarang patay sa San Antonio General Hospital ang biktimang si Willy Bunola, 26, samantala, ang suspek ay nakilalang si Juanito Pelayo na kapwa residente ng nabanggit na barangay.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang pangyayari dakong alas-8 ng gabi matapos magkaroon ng suntukan ang dalawa sa loob ng kanilang bahay saka binuweltahan ang biktima at pinaputukan ng M-16 rifle. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments