Drug lord itinumba sa sabungan

TACLOBAN CITY – Hinatulan ng kamatayan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang isang tinaguriang top drug supplier makaraang barilin habang nangongolekta ng kanyang panalong pera sa loob ng sabungan sa Brgy. Nadongholan, District 29, Ormoc City kamakalawa ng hapon.

Ang biktima na binaril at napatay ng hit squad ng NPA ay nakilalang si Inaki "Aki" Gulhuran ng Mabini St., Ormoc City.

Samantala, ang dalawang rebelde ay tumakas sakay ng motorsiklo patungo sa kabayanan ng nabanggit na lungsod.

Napag-alaman pa sa ulat ng pulisya na nag-iwan pa ng liham na may lagda pa ni Commander Dodong Malaya ng Amandawin Command ng Leyte Front Committee ang isa sa mga rebelde na nagsasabing hinatulan na ng kamatayan ang biktima dahil sa pang-aabuso sa kababaihan at pagpapakalat ng droga sa kanilang lugar.

Si Gulhuran ay nasa listahan ng PNP Order-of-Battle ng anti-drug campaign ng gobyerno simula pa noong 1992. (Ulat ni Miriam G. Desacada)

Show comments