Kinasuhan ng grave misconduct, insubordination at appression si Dr. Rozabel Tajo, school division superintendent ng DepEd-Leyte at kanyang sektretarya na si Ruby de Veyra. Inilagay ni Secretary Raul Roco ang dalawa sa 90-araw na preventive suspension habang dinidinig ang kanilang kaso.
Nagsimula ang naturang kaso matapos na magreklamo ang isang aplikanteng guro na umanoy hiningian ni Tajo sa pamamagitan ni de Veyra ng kabuuang P26,000 upang makakuha ng posisyon bilang secondary teacher sa Granja National High School.
Bukod dito, ibinibenta rin umano ni Tajo ang DepEd Service Manual sa mga guro at administrators sa halagang P100 na dapat ay ipinapamahagi lamang ng libre.
Sinabi ni Undersecretary James Jacob na nakakalap sila ng sapat na ebidensiya laban sa dalawa matapos ang kanilang isinagawang imbestigasyon. Nabatid nila na nagkaroon ng conspiracy si Tajo at De Veyra sa paniningil sa mga aplikante para maging guro at iligal na reproduksyon at pagbebenta ng mga teaching manuals.
Bukod dito, kinasuhan din si Tajo nang hindi ito kumuha ng approval kay Roco nang magtungo ito sa Korea noong nakaraang taon at panggigipit umano kay Division Supervisor Ricardo Nacorda. Unang nasuspinde na rin ito dahil sa pagdeposito ng mga sahod ng guro sa kanyang pribadong account sa bangko. (Ulat ni Danilo Garcia)