Granada sumabog: 3 todas, 5 sugatan

COTABATO CITY – Tatlong batang lalaki ang iniulat na nasawi, samantala, lima pang iba ang nasugatan makaraang sumabog ang isang granada na napulot ng mga biktima habang naglalaro sa Brgy. Rangayen, Alamada, North Cotabato noong nakaraang linggo.

Ang mga biktima na nagkalasug-lasog ang katawan sanhi ng malakas na pagsabog ng granada ay kinilalang sina Noel Ramos, 14; Jerson Abo-abo, 11 at Harris Selga, 10 na pawang mga anak ng magsasakang Ilonggo sa nabanggit na barangay.

Kabilang naman sa mga biktimang nasugatan dahil sa tumamang sharpnel mula sa sumabog na granada ay nakilalang sina John Ray, 12; Kevin Abo-Abo, 6; Raymart Alem, 9; Gerard Monar, 7; Dennis Ganag, 10 na pawang mga isinugod sa iba’t ibang pagamutan.

Sa ulat ng pulisya, napulot ng isa sa mga biktima ang granada sa taniman ng mais sa nabanggit na barangay saka inalisan ng pin at inihampas sa punong-kahoy kaya sumabog.

May palagay ang pulisya na ang rifle grenade ay aksidenteng nahulog mula sa grupo ng mga rebelde o kaya naman sa nagpapatrolyang sundalo sa open field.

Nabatid pa na ilang bahagi ng naturang lugar ay malimit na maging sagupaan ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at tropa ng militar sa mga nagdaan taon. (Ulat ni John Unson)

Show comments