Ex-PC niratrat sa harap ng pamilya

IROSIN, Sorsogon – Isang dating miyembro ng binuwag na Phil. Constabulary (PC) ang iniulat na nasawi makaraang bistayin ng bala ng baril ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa harap ng kanyang pamilya habang ang biktima ay nag-aalmusal sa sariling bahay sa Barangay Gulang-Gulang sa bayang ito kahapon ng umaga.

Hindi na nakuhang makapalag pa ng biktimang si Igmedio Panti, Sr., 60 at residente ang nabanggit na barangay.

Base sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang krimen dakong alas-7 ng umaga habang kumakain ng agahan ang biktima kasama ang sariling pamilya sa kanilang bahay.

Biglang pinasok ng mga rebelde ang bahay ni Panti at kahit na nagmamakaawa pa ang asawa’t anak nito ay tinuluyang pagbabarilin hanggang sa mapatay ang biktima.

Bago pa tumakas ang mga rebelde sa direksyon ng Barangay Gabao ay nagsalita pa ng katagang marami na umanong pinahirapang mga residente ang biktima noong nagsisilbi pa ito sa militar kaya nagpasyang hatulan ng kamatayan. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments