Ayon kay Mayor Tomas Tanjuatco, ang pagsasampa ng kaso ay dahil sa hindi umano pakikipag-ugnayan ni Brgy. Chairman Democrito delos Santos sa gaganapin nilang boat race sa naturang ilog.
Naiwasan sana umano ang pagkamatay ng biktimang si Joan Crisostomo, 6-taong gulang, kung may sapat na mga pulis at tauhan ng munisipyo na nagbabantay sa naturang lugar na agad sana umanong nakaresponde sa mga bumagsak sa ilog.
Nabatid na nasawi ang batang si Crisostomo matapos na hindi agad na maiahon ang katawan nito nang madaganan ng malaking kahoy sa ilalim ng ilog.
Sinabi naman ni C/Insp. Ambrocio Cenidoza, hepe ng Tanay police na umusog umano ang pundasyong poste ng naturang makitid na tulay dahil sa pagsisiksikan ng mahigit sa 100 katao sanhi ng overloading nito.
Ang naturang mga residente ay aliw na aliw sa ginaganap na karera ng bangka na tatlong araw nang ginaganap bilang selebrasyon sa pista ng patron nilang si San Ildefonso na ang promotor ay si Chairman delos Santos.
Ipapatawag din ng lokal na pamahalaan ang contractor ng naturang tulay upang mabatid kung may pananagutan ito sa insidente. (Ulat ni Danilo Garcia)