Sinabi ni AFP-Southern Command Chief, Lt. General Roy Cimatu, nakasagupa ng mga elemento ng 10th at 15th Scout Rangers Company ng Phil. Army ang hindi pa madeterminang bilang ng ASG dakong alas-8:30 ng umaga sa Brgy. Saguinto sa nasabing lugar.
Kasalukuyan umanong nagsasagawa ng combat patrol ang tropa ng militar nang mag-krus ang landas ng mga ito at ng mga gumagalang puwersa ng bandidong grupo.
Nabatid na bago mangyari ang sagupaan kahapon ng umaga ay nagkaroon din ng engkuwentro sa pagitan ng mga sundalo ng pamahalaan at ASG bandits dakong alas-9:30 ng gabi kamakalawa sa nasabi ring lugar.
Ang nangyaring sagupaan umano kahapon ay pagpapatuloy lamang ng walang puknat na pagtugis ng tropa ng militar laban sa mga bandido na nagsimula kamakalawa ng gabi.
Wala pang partikular na ulat kung kasama ng mga nabanggit na bandido ang tatlong nalalabing bihag ng ASG na sina Lamitan nurse Deborah Yap at American couple Martin at Gracia Burnham.
Matatandaang nitong nakaraang Miyerkules ay isang matinding sagupaan ang naganap sa pagitan ng ASG at tropa ng militar kung saan walong bandido ang kumpirmadong nasawi habang isa namang sundalo ang nasugatan.
Samantalang nasundan pa ito kinabukasan ng pagkasugat ng walong bandido sa bayan din ng Tuburan.
Kaugnay nito, tiwala ang militar na di na magtatagal ay tuluyan na nilang mapupuksa ang grupo ng bandido at ligtas na mababawi ang tatlo pang nalalabing hostages. (Ulat ni Joy Cantos)