Sinabi ni Cris Puno, spokesman ni Basilan Governor Wahab Akbar na nagsagawa sila ngayong linggo ng random survey sa mga residente ng Basilan hinggil sa isyung pagdating sa rehiyon ng Mindanao ng mga tropa ng US Armed Forces at lumilitaw na karamihan sa mga tao sa kanilang lugar ay pabor ukol sa nasabing war games.
Marami pa umano sa mga residente ng Basilan ang natutuwa at nasa kanilang teritoryo ang mga Amerikanong sundalo dahil nangangahulugan lamang umano ito na magiging protektado sila laban sa karahasan na dulot ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG).
Maging ang lahat ng miyembro umano ng Basilan Crisis Management Committee ay pabor din sa pagdating sa Mindanao ng mga US troops.
Hindi umano alintana ng mga residente sa Basilan ang pangamba na maaaring maging peligroso sa kanilang panig ang pagdating ng US troops sa isa sa balwarteng lugar ng ASG sa rehiyon ng Mindanao.
Ayon kay Puno, naniniwala umano ang mga mamamayan ng Basilan na panahon na upang masupil ang masamang aktibidad ng ASG sa kanilang lugar at malaking tulong umano ang US Armed Forces upang magkatotoo ito.
Ang pahayag ng mga residente ng lalawigan ay taliwas naman sa sentimyento ng ilang sektor sa lipunan na hayagang tumututol sa joint RP-US exercises na anilay pronto lamang para sa isang madugong operasyon laban sa ASG.
Kaugnay nito, sinabi kahapon ni AFP Spokesman Brig. General Edilberto Adan na nasa "assemble stage" na ang lima sa walong helicopters na dumating mula sa Estados Unidos kamakailan bilang pantulong sa kampanya ng AFP laban sa terorismo na dulot ng ASG. (Ulat ni Joy Cantos)