Sinabi ni SPO1 Reynaldo Anclote, hindi nila maipagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso ni Mary Joy Ruilan, 4, dahil sa wala namang lumulutang na mga kamag-anak na nagrereklamo.
Ibinulgar din ng imbestigador na wala umanong rekord sa pulisya o maging sa kanilang barangay ukol sa pagkawala ni Mary Joy noong Hulyo 1999 dahil sa hindi ito inasikaso ng mga magulang ng biktima.
Natagpuan ang kalansay ni Mary Joy noong Linggo ng umaga sa matalahib na lugar ng Sitio Quarry, Brgy. San Jose, Antipolo. Isang malaking basag sa bungo ang pinaniniwalaang ikinamatay nito habang natagpuan rin ang kanyang suot na short pants at mga malalaswang larawan.
Sinabi ni Anclote na malaki ang duda niya na may kinalaman ang ama ng biktima na si Gerry Ruilan sa pagkamatay ng anak dahil sa ginawa nitong pagtangay sa kalansay patungo umano ng Quezon.
Ayon pa kay Anclote, maaari umanong maipagpatuloy ang kaso kung may saksi na lulutang upang idiin ang suspek sa krimen. (Ulat ni Danilo Garcia)