3 todas sa bus terminal holdap

BATANGAS CITY – Tatlo katao kabilang na ang isang security guard ang kumpirmadong nasawi makaraang holdapin ang opisina ng bus terminal ng apat na armadong kalalakihan sa Brgy. Balagtas, Batangas City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ng pulisya ang napatay na sekyu na si Romeo Mijares ng Lawin Security Agency at nakatalaga sa N. Dela Rosa bus terminal sa naturang lugar.

Samantala, isa sa mga holdaper na napatay ay nakilalang si Gerzon Quindoza, 43 ng 26-G Sto. Niño, San Pedro, Laguna at kasalukuyan naman bineberipika ang pangalan ng kasama ni Quindoza.

Ayon kay P/Supt. Restito Hernandez, hepe ng pulisya, pumasok ang L-300 van (DMA-425) ng mga suspek sa nabanggit na bus terminal.

Mabilis na bumaba ang dalawang suspek at tinungo ang opisina ng bus terminal upang holdapin, habang ang isa pang kasama ay nagsilbing look-out subalit nakatawag ng pansin ang putok ng baril ng mga holdaper kaya kaagad na nagresponde si Mijares.

Kaagad na pinaputukan ni Mijares ang dalawa subalit hindi napansin ang isa pang holdaper kaya binaril naman siya sa ulo saka tumakas ang nalalabi pang holdaper. (Ulat ni Arnell Ozaeta)

Show comments