Sa inisyal na pagsisiyasat ni SPO1 Reynaldo Anclote, palihim na itinakas ng amang si Gerry Ruilan ang kalansay ng kanyang anak na si Mary Joy, 4 mula sa bahay ng tiyahing si Aling Milya sa Sitio Quarry, Brgy. San Jose ng lungsod na ito kamakalawa ng gabi.
Sa salaysay ni Aling Milya sa pulisya, namataan niya si Ruilan na hindi mapalagay matapos na mabalitaan ang pagkakatagpo sa kalansay ng bata na iniulat na nawawala noong pang Hulyo 1999.
Bago pa itakas ni Ruilan ang kalansay ng anak ay nagpahiwatig na ito kay Aling Milya na kanyang dadalhin ang natagpuang kalansay sa lalawigan ng Quezon upang ipakita sa kanyang asawang si Baby.
Sinabi naman ng mga imbestigador na kinakailangan munang isailalim ang kalansay sa masusing pagsusuri upang maberipika kung ito nga si Mary Joy at kung may mga natitira pang ebidensiya na ginahasa bago binagsakan ng mabigat na bagay sa ulo ang biktima.
Sa nakalap na impormasyon ng pulisya mula sa mga kapitbahay, si Ruilan ay kilalang manyakis dahil sa may ilang beses nang nahuhuling namboboso sa mga kapitbahay na kababaihang naliligo at may pagkakataon pang nanggagapang sa gabi.
Ayon pa kay Anclote, natagpuan din sa tabi ng kalansay ang mga larawan at babasahing malalaswa bukod pa sa gutay-gutay na short pants na suot ng biktima na tanging batayan upang makilala si Mary Joy nang ito ay mawala.
May palagay ang pulisya na may kinalaman nga sa krimen si Ruilan dahilan sa ginawa nitong pagtakas sa kalansay ng kanyang anak. (Ulat ni Danilo Garcia)