2 provincial executives nagsuntukan dahil sa 'time card'

BASCO, Batanes – Matapos mag-‘‘State of the Province Address" si Batanes Governor Vicente Gato ay nagkaroon ng tensyon sa loob ng Sangguniang Panlalawigan session hall makaraang magpambuno at magsuntukan ang dalawang provincial top executives sa harap ng karamihan ng bisita dahil lamang sa time card na hindi pirmado noong nakaraang linggo.

Sinabi ng isang opisyal ng Sangguniang Panlalawigan (SP) na ayaw magpabanggit ng pangalan, makaraang magsalita ni Gov. Gato ay inanyayahan ang lahat ng opisyal ng provincial council kasama ang pi-ling bisita sa session hall.

Ayon sa mga nakasaksing bisita ni Gov. Vicente Gato, ang away ay nagsimula sa pagitan nina Vice Governor Constante Castillejos at Provincial Planning and Development Officer Rolando Ventolero na magkasamang kumakain sa isang mesa kasama ang ilang provincial executives.

Habang nagaganap ang selebrasyon ay sinabihan umano ni Castillejos si Ventolero kung bakit hindi niya nilalagdaan ang time card ng kapatid na si Joey Castillejos.

Sinagot naman siya ni Ventolero na hindi naman niya nakikitang pumapasok ng opisina ang kapatid nito na ikinairita naman ni Castillejos.

Dahil sa pabalang na isinagot ni Ventolero ay hinamon ng suntukan ni Castillejos ang kausap na provincial executive na pinaunlakan naman.

Hindi pa nakakapaghubad ng suot na barong Tagalog si Castillejos ay mabilis na sinugod at sinakal si Ventolero.

Nabatid pa sa mga saksi na gumanti ng suntok si Ventolero subalit tumama ang kamao nito sa bibig ni Provincial Engineer Roland Castillejos na kasalukuyang umaawat sa away ng dalawa.

Makaraang maawat ng mga kasamang provincial executive ay kaagad na ipinatawag ni Gov. Gato sa kanyang opisina ang dalawa na nagdulot ng kahihiyan sa mga nakasaksi. (Ulat ni Jack Castaño)

Show comments