Barangay Kagawad patay sa salpok ng bus

SARIAYA, Quezon – Isang barangay kagawad ang iniulat na nasawi makaraang masalpok ng rumaragasang pampasaherong bus habang tumatawid sa kahabaan ng Maharlika Highway na sakop ng Brgy. Concepcion sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Nara Baclea, 49, may asawa ng Brgy. Del Pilar, Basey, Samar.

Samantala, ang driver ng JAC liner (PXU-118) na nakabundol sa biktima ay mabilis na tumakas patungong Maynila.

Sa isinumiteng ulat kay P/Chief Insp. Romeo Carranza, hepe ng pulisya sa bayang ito, naganap ang aksidente bandang alas-9:45 ng gabi makaraang bumaba ang biktima sa sinasakyang bus upang kumain sa kabilang kalsada.

Hindi napansin ng biktima ang paparating na bus habang tumatawid kaya nahagip at nakaladkad pa ng may ilang metro na ikinasawi nito. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments