Sinabi ni MILF Spokesman Eid Kabalu na nababahala umano ang kanilang grupo na gamitin ng pamahalaan ang mga sundalong Amerikano hindi lamang sa all-out-war laban sa mga teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) kundi maging sa kanilang grupo.
"Well, there are fears that the American troops will be used against us but the leadership of the MILF perceives this as an internal affair of the government so we are not meddling into this," pahayag ni Kabalu.
Una rito, iginiit ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na hindi maaaring sumali ang tropang Amerikano sa pagtugis laban sa grupo ng Sayyaf na patuloy na bumibihag sa mag-asawang Amerikanong misyonaryo na sina Gracia at Martin Burnham at sa Filipina nurse na si Deborah Yap sa Basilan.
Idinagdag pa ni Kabalu na bagaman may isinusulong na negosasyong pangkapayapaan ang kanilang grupo sa pamahalaan ay nakahanda silang lumaban ng sabayan at magdepensa sakaling gamitin sa pagpuksa laban sa Bangsamoro ang mga Amerikanong sundalo.
Kaugnay nito, ayon pa kay Kabalu, wala pang pormal na petsang napapagkasunduan ang GRP at MILF peace panels kung kailan itutuloy ang pormal na negosasyong pangkapayapaan. (Ulat ni Joy Cantos)