Tricycle vs trak: 2 patay, 8 grabe

Dalawa katao ang iniulat na nasawi, samantala, walo naman ang malubhang nasugatan makaraang salpukin ang sinasakyang tricycle ng trak at owner type dyip sa magkahiwalay na lalawigan ng Barangay San Nicolas, Bacoor, Cavite at Brgy. San Francisco, Magalang, Pampanga kahapon ng madaling-araw.

Ang mga biktimang nasawi ay nakilalang sina Luisito Fortales, 8, ng Adelfa St., Brgy. Gawaran, Bacoor, Cavite at Ruben Guerero ng Guapano St., Pandan, Angeles City.

Samantala, ang mga grabeng nasugatan ay nakilalang sina Raul Bogabil, Sr.; anak na si Raul Bogabil, Jr.; Delia Fortales, 48; Henry Ejorcadas, 23; Artemio Bautista; Eduardo Tuazon; Benjie Segovia at Jun Hernandez.

Ayon sa ulat, unang naganap ang aksidente dakong ala-1:45 ng madaling-araw makaraang salpukin ng dyip na minamaneho ni Randy Sabaria ng Queensrow, Bacoor, Cavite ang trike na sinasakyan nina Luisito Fortales, mag-amang Bogabil at Delia Fortales sa kahabaan ng Marcos Alvarez, ng nabanggit na barangay.

Ikalawang aksidente naman ay naganap dakong alas-11 ng umaga, kamakalawa sa kahabaan ng Angeles-Magalang road sa Sitio Mabatubatu, Brgy. San Francisco ng naturang lugar.

Nabatid sa ulat ng pulisya, nagsalpukan ang trike (TC-3036) na minamaneho ni Guerero at trak (WIM-239) na minamaneho naman ni Ejorcadas sa nabanggit na lugar. (Ulat nina Cristina Go-Timbang at Erickson Lovino)

Show comments