Mag-asawang Chinese national sinaksak ng selosong mister

Nasa kritikal na kalagayan ang mag-inang Chinese national matapos na pagsasaksakin ng kanyang selosong asawa sa loob ng kanilang apartment sa Angeles City kamakalawa.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Jiang Mai Yen, 46, tubong Okiang, Mainland China na nagtamo ng mga saksak sa mukha at ulo habang ang anak nitong si Bini Juang Jiang, 22 ay nagtamo naman ng malalim na saksak sa tiyan at nilalapatan ng lunas sa Angeles City Medical Center.

Ang suspek naman ay ang asawa nitong si Shui Liang Huang, 49 na mabilis namang naaresto.

Ang insidente ay naganap sa loob ng inuupahang apartment ng pamilya sa Doña Ponciana Compound, Rizal St., Brgy. San Nicolas ng nasabing lungsod.

Bago ang pananaksak ay nagkaroon ng pagtatalo ang mag-asawa nang maghinala ang suspek na may kinalolokohang lalaki ang kanyang misis dahil lagi itong nagpapaganda.

Napikon na ang lalaki kaya binunot nito ang nakatagong patalim at sunod-sunod na sinaksak ang asawa.

Nadamay naman ang kanilang anak nang sumaklolo ito sa duguang ina. (Ulat nina Joy Cantos at Jeff Tombado)

Show comments