Naagnas na bangkay ng babaing guro natagpuan

Pinahirapan muna bago tuluyang pinaslang ng di pa nakikilalang mga salarin ang natagpuang naaagnas na bangkay ng isang babaeng guro sa elementarya matapos itong mapaulat na nawawala noong bisperas ng Pasko sa isang liblib na lugar sa Villaverde, Nueva Vizcaya, ayon sa ulat kahapon.

Ang bangkay ng biktima na narekober ng mga nagrespondeng awtoridad ay kinilalang si Carmelita Esteban, 34, guro sa Ambaguio Elementary School sa bayan ng Ambaguio ng nasabing lalawigan.

Batay sa natanggap na report ng Camp Crame, pinaniniwalaang tinorture muna si Esteban ng mga salarin bago ito tuluyang pinatay base na rin sa mga nakitang palatandaan ng mga imbestigador sa katawan ng biktima.

Ayon sa mga imbestigador, natagpuan ang naaagnas na bangkay ng biktima kahapon ng umaga ng ilang magsasaka sa palayan sa Barangay Pieza, Villaverde, Nueva Vizcaya habang bumabaybay ang mga ito sa pilapil patungo sa kanilang sinasakang lupa.

Nabatid na ang biktima ay napaulat na nawawala simula pa nitong Disyembre 24 matapos na mabigo itong makauwi ng bahay mula sa Christmas party na dinaluhan nito sa karatig na barangay. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments