Ang mga biktima na patuloy na inoobserbahan sa Tarlac Provincial Hospital ay nakilalang sina PO3 Menardo Gaerlan, 30 at ang kaibigan nitong si Jessie Paat, 32 ng Brgy. San Rafael.
Naaresto agad ang suspek na si SPO2 Virgilio Sibayan, miyembro ng Tarlac City PNP at nahaharap sa kasong frustrated homicide.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-5:30 ng umaga ay nag-iinuman ang mga biktima sa videoke bar na pag-aari ng suspek na matatagpuan sa McArthur Highway, Sitio Valdez, Brgy. San Rafael ng nasabing lungsod.
Nang dumaan sa harap nina Gaerlan at Paat ang isang waitress ito umano ay hiningian ng limang piso ng huli para ihulog sa video machine.
Ikinagalit ni Sibayan ang ginawang paghingi ni Paat sa kanyang waitress kaya naman binunot nito ang baril at ipinutok sa itaas.
Nagulat ang mga biktima kayat tumayo sila sa kanilang kinauupuan para komprontahin, subalit hindi pa sila nakakalapit ay agad silang pinagbabaril ng suspek. (Ulat ni Jeff Tombado)