Base sa ulat na nakarating kahapon sa tanggapan ni Philippine Army Commanding General, Lt. Gen. Jaime de los Santos, naitala ang magkakasunod na pananalakay ng dalawang grupo ng mga rebeldeng Muslim dakong alas-5 ng umaga.
Ayon sa ulat, inatake ng MILF at MNLF forces ang Quarry, Lagpan at Waton detachment ng 2nd Special Forces Battalion na matatagpuan sa Brgy. Sultan sa Barongis, Maguindanao.
Ang mga umatakeng rebelde ay pinamumunuan umano nina Commander Gari ng MNLF at Commander Duma ng MILF.
Isang sundalo ang kumpirmadong nasawi at isang kasamahan nito ang nasugatan samantalang dalawa ang namatay sa panig ng mga rebelde.
Gayunman, kasalukuyan pang benebiripika ang mga pangalan ng mga nasawing rebelde habang di muna tinukoy ang pangalan ng napatay na sundalo sa dahilang kailangan pang impormahan ang pamilya nito. (Ulat ni Joy Cantos)